Umiiwas si Vice President Mike Pence na sagutin ang tanong kung kaya nitong tanggapin ang resulta kung sakaling matalo sa eleksyon.
Tulad nang ginawa ni US President Donald Trump, tumanggi ang bise presidente na sabihin sa mamamayan ng Amerika ang gagawin nito kapag matalo sa halalan.
Ayon kay Pence,tiwala ang kanilang kampo na mananalo sila sa darating na eleksyon.
Hindi man direktang sinagot ni Pence ang nasabing tanong, ngunit ginamit nitong halimbawa ang ginawa ng partido ni Senator Kamala Harris na gumugol ng huling tatlo at kalahating taon kung saan sinusubukan ng Democratic party na baligtarin ang mga resulta ng nakaraang halalan.
Ayaw naman magkomento ni Harris sa tanong kung ano ang gagawin nila ni Democratic nominee Joe Biden kung sakaling magmatigas si Pres. Trump at Vice Pres Pence na bumaba sa puwesto kapag natalo sa halalan.
Sa halip, inaanyayahan na lang nito ang mga botante ng Estados Unidos na bomoto ng maaga.
Una nang sumentro sa kapabayaan ni Trump sa pagtugon ng pandemya sa kanilang bansa ang debate nina Pence at Harris kung saan si Susan Page ang kanilang moderator na ginanap sa Salt Lake City.
Kapansin pansin ang plexiglass na naghihiwalay sa dalawang magkatunggali para makaiwas sa COVID-19.