DAVAO CITY – Tiniyak ni Department of the Interior Secretary Eduardo Año na mapapadali na ang proseso ng aplikasyon sa mga Tele communication companies (telcos) sa pamamagitan ng ipapatupad na bagong sistema.
Sa isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Panacan nitong lungsod, pinaliwanag ni Sec. Año na sa kanilang isinagawang inventory sa mga application ng Telcos, nasa apat na kompanya ang nagsumite nito na kinabibilangan ng Touch mobile/globe company, smart communication, Dito, at maliit na kompanya gaya ng Huwei.
Sa kasalukuyan, nasa 1,930 na umano ang kanilang natanggap na application mula sa iba’t-ibang probinsiya at siyudad sa buong bansa kung saan 1,502 sa mga ito ang naaprubahan habang nasa 428 naman ang pending application.
Sinabi rin ni Sec. Año na kung sa lumang sistema ay aabot ng 241 days bago maaasikaso ang aplikasyon, magiging 16 na araw na lamang ito sa kasalukuyan.
Kung noon ay nasa 19 permits umano ang hinihingi, magiging walo na lamang ito at 35 documents na lamang ang kakailanganin ngayon ng mga kompanya mula sa dating 86 na mga dokumento.
Tiniyak rin ng kalihim na tututokan niya ang mga pending na aplikasyon ng mga telcos at kung may hindi maaprubahan sa mga LGUs kanyang aalamin ang mga dahilan nito.