Hindi ganap na itinanggi ng United States Department of Defense (DoD) ang ulat na sangkot ito sa pagpapakalat ng trolls para siraan ang COVID-19 vaccine ng China na Sinovac sa Pilipinas sa kasagsagan ng pandemiya.
Ang kinumpirma ng US DoD ay gumagamit sila ng malawakang saklaw ng mga operasyon kabilang ang operations in the information environment (OIE) para malabanan ang masamang impluwensiya ng kalaban.
Ang OIE ay isang maneuver doctrine ng US military para sa strategic information warfare nito.
Ipinaliwanag ni DoD spokesperson Lisa Lawrence na ang China ang nag-umpisa ng disinformation campaign para sisihin ang US sa pagkalat ng COVID-19.
Sinabi din ng US official na ilang mga state at non-state actors ang gumamit ng social media platforms at iba pang media para magpakalat ng maling impormasyon at magsagawa ng malign influence campaign laban sa Estados Unidos.
Kaya’t gumamit aniya ang DoD ng iba’t ibang platforms kabilang ang social media para malabanan ang mga naturang mga pag-atake sa US, sa kanilang partners at sa kaalyado nito kabilang na ang Pilipinas.
Ginawa ng US military official ang pahayag kasunod ng inilabas na findings ng isang international media agency (Reuters) na nagsagawa umano ang Pentagon ng secret campaign para siraan ang imahe ng mga bakuna ng China sa Pilipinas na isa sa matinding tinamaan ng pandemiya.
Nagsimula umano ang lihim na military program sa ilalim ni dating US President Donald Trump at sa panahong din iyon ang nakaupong Pangulo ng Pilipinas ay si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kinaibigan ang China.
Sa ilalim ng Duterte administration, ang unang bakuna kontra COVID-19 na naging available sa PH ay ang Sinovac na donasyon ng China.
Base pa sa report, nagpatuloy ang anti-China vaccine campaign ng ilang buwan sa ilalim ng adminsitrasyon ni US President Joe Biden.
Tinukoy rin sa findings na nasa 300 na bogus accounts sa isang online platfom na X na ginawa noong 2020 kung saan binabatikos sa mga post ang kalidad ng mga face mask, mga test kit, at Sinovac vaccine mula China.