Hindi pumayag ang Pentagon sa alok ng Poland na kaalyado din ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) na magpadala ng fighter jets sa Ukraine para gamitin laban sa Russian forces.
Sa isang pahayag, inihayag ni Pentagon spokesman John Kirby na ang pagpapadal ng fighter jets mula sa US/NATO base sa Germany patungo sa airspace ng Ukraine ay magpapatindi aniya ng lubhang pagkabahala para sa buong NATO alliance.
Subalit patuloy aniya silang makikipagkonsulta sa Poland at sa kanilang iba pang NATO allies hinggil sa naturang isyu at gayundin sa logistical challenges nito.
Nauna ng nag-alok ng tulong ang Poland sa Ukraine na ipapadala nito ang lahat ng kanilang Russian-made MiG-29 fighter jets sa US Air Force’s Ranstein Air Base sa Germany kasunod na rin ito ng walang humpay na panawagan ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky sa US at sa iba pang NATO nations na tulungan ang kanilang bansa sa pagdepensa laban sa pag-atake ng Russian forces sa pamamagitan ng pagpapadala ng warplanes.
Hiniling din ng Polish government sa iba pang NATO allies na mayroong MIG-29 jets na ipadala sa Ukraine subalit tumanggi ang US at NATO sa pangambang lalong magpapatindi lamang ito sa tensiyon sa Russia.
Sa kabila ng pagtanggi ng Pentagon na suportahan ang plano ng Poland, nauna ng nagpahayag ng suporta si US Secretary Antony Blinken sa pagpapadala ng Polish jets sa Ukraine.