Tiniyak ng Pentagon na mananatiling nakasuporta ang US government sa Pilipinas sa anumang aspeto.
Sa isang press briefing sa US, natanong si Pentagon Press Secretary Air Force Maj. Gen. Pat Ryder ukol sa naunang pahayag ni US Indo-Pacific Command Commander Admiral Samuel Paparo na maaaring mag-escort ang US sa mga supply mission ng Pilipinas sa West Phil Sea.
Sagot ni Ryder, mangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga isasagawa nitong mission o operasyon sa West Phil Sea, at magpapatuloy ang US sa pagbibigay nito ng ‘significant advisory support’, kasama na ang paglalaan nito ng tulong para maisa-moderno ang Philippine military.
Hindi man direktang sinagot ni Ryder kung magpapadala ang US ng escort kapag hihilingin ito ng Pilipinas ngunit tiniyak nitong susuporta ang US sa Pinas bilang kaalyado nitong bansa, lalo na aniya at tuloy-tuloy ang ginagawang pagharang ng PRC (People’s Republic of China) sa mga lehitimong maritime operations ng bansa.
Inilarawan din ni Ryder bilang ironclad ang commitmment ng US sa naturang alyansa.
Muli ding inulit ng US na ang anumang military support na ibibigay nito ay bilang kasagutan sa mga request o hihilingin ng Pilipinas.
Paglilinaw ni Ryder na bagaman nakahanda ang US na tumulong sa Pilipinas at tumugon sa mga kahilingan o request nito, mangangailangan pa rin aniya ito ng formal consultation sa pagitan ng dalawang bansa.
Maalalang sa pagbisita ni US Indo-Pacific Command Commander Adm. Samuel Paparo Jr.dito sa Pilipinas ay natanong siya ukol sa posibilidad ng paglalaan ng escort sa mga Philippine vessel na nagsasagawa ng resupply mission sa WPS.
Sagot ni Paparo, ito ay isang resonableng opsyon sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.