-- Advertisements --

Nakumpiska ng mga awtoridad ang pera, alahas, at pinaghihinalaang ilegal na droga sa pinakabagong raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operator hub sa bayan ng Porac sa Pampanga.

Ang perang nasamsam ay nagkakahalaga ng P600,000, kasabay ng iba’t ibang alahas, at sampung sachet ng pinaghihinalaang shabu sa loob ng hindi bababa sa pitong gusali sa Lucky South 99 na sinuri ng mga awtoridad.

Maliban pa rito ay nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga computer at computer parts, mga cellphone, at mga pinaghihinalaang torture devices.

Bandang 11 ng gabi noong Sabado, matagumpay na natapos ng mga awtoridad ang kanilang operasyon sa mga gusali sa Lucky South 99.

Inihayag din ng mga awtoridad na nakatuon sila ngayon sa paghahanap ng higit pang mga biktima at posibleng mga suspek sa loob ng mga gusali.

Plano rin nilang linisin ang hindi bababa sa 40 na gusali sa compound at ang mga kalapit na gusali sa Lucky South 99.