VIGAN CITY – Kontento umano ang Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) sa ipinakitang performance ng mga boksingero ng Team Philippines na nakilahok sa nagpapatuloy na 30th South East Asian (SEA) Games.
Kung maaalala, nakasungkit ng pitong gintong medalya, tatlong silver at dalawang bronze medal, ang mga boksingero ng Team Philippines sa mga nilahukan nilang kategorya bagama’t isa sa kanila ang hindi pinalad na makakuha ng kahit anong medalya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inihayag ni ABAP Secretary–General Ed Picson na labis ang kanilang kasiyahan dahil muling pinatunayan ng mga Pinoy boxers na hindi sila pahuhuli sa nasabing larangan ng palaro.
Nagpapasalamat din si Picson sa suportang natanggap ng mga Pinoy boxers mula sa publiko, pati na sa Philippine Spprts Commission, at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee).
Idinagdag nito na sa ngayon ay naka-break daw sa ensayo ang mga Pinoy boxers para makapagpahinga at makasama ang kanilang pamilya pagkatapos ng regional biennial meet, dahil sa December 18 ay sisimulan na nila ang kanilang training para sa Tokyo 2020 Olympics.