-- Advertisements --
Chavit melo
Mayor Chavit Singson at MGM Grand (photo from Bombo international correspondent Ponciano “John” Melo, Jr.)

VIGAN CITY – Marami umanong mga boxing fans, lalo na mga Amerikano at Meksikano ang namangha sa naging bakbakan nina fighting Sen. Manny Pacquiao at Keith Thurman kahapon.

Maging ang malalapit na kaibigan ni Pacquiao kagaya ni dating Ilocos Sur governor at ngayon ay Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson ay namangha rin hindi lamang sa naging takbo ng laban kundi sa mismong performance ng pambansang kamao.

Aniya, hindi umano nito inaasahan na makikita niya sa ibabaw ng lona ang kaniyang kaibigan na tila walang takot na binabangga ang isang malaki at matibay na pader kagaya ni Thurman.

Naniniwala ito na ang mga naunang pahayag ni Thurman, lalo na ang mga pangmamaliit nito sa kakayahan niya ang nagtulak sa Pinoy ring icon na ipakita kung ano at sino talaga sa kanilang dalawa ang kampeon.

Aminado naman ito na si Thurman na ang isa sa mga pinakamahirap na kinalaban ng Pinoy ring icon dahil bukod sa mas matangkad ito kumpara sa kaniya, mas bata pa ito ng 10 taon.

Sa kabila nito, hindi pa rin umano nagbabago ang kaniyang pananaw na kailangan nang magretiro ang fighting senator upang mapagtuunan naman nito ng pansin ang kaniyang pagiging senador pati na ang pamilya nito.