Target ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na nakabase sa The Hague, Netherlands na isagawa ang ilan sa proceedings o paglilitis nito sa Pilipinas.
Sa isang statement, sinabi ng Korte Suprema na pinag-aaralan ng PCA ang posibilidad na makipag-kolaborasyon sa Supreme Court ng Pilipinas para sa pagsasagawa ng mga proceedings nito.
Ito ang idinulog ni PCA Secretary General Dr. Marcin Czepelak sa kaniyang courtesy visit kay Chief Justice Alexander Gesmundo sa Supreme Court nitong Biyernes, Agosto 30.
Ayon sa PCA official, maaari itong maisagawa sa pamamagitan ng isang Host Country Agreement kung saan maaaring magsagawa ng mga pagdinig ang PCA sa mga pasilidad na ibinigay ng PH Supreme Court. Ayon naman kay Chief Justice Gesmundo, pag-aaralan ng korte ang naturang proposal.
Samantala, sinabi din ni Gesmundo na committed ang SC sa pagsuporta ng mga aktibidad may kinalaman sa pagpapalakas ng international law para matiyak na mamamayani ang rule of law sa buong mundo.
Una rito, nagtungo dito sa Pilipinas ang mga opisyal ng PCA para lumagda sa isang kasunduan kasama ang Philippine Dispute Resolution Center, Inc. (PDRCI) para sa paggamit ng kanilang mga pasilidad.
Ibig sabihin, maaaring magsagawa ang PCA ng mga pagdinig alinsunod sa patakaran ng PCA gamit ang mga pasilidad sa PDRCI habang ang PDCRI-administered cases ay maaaring dinggin sa mga tanggapan ng PCA sa The Hague, Singapore at Vietnam alinsunod sa mga patakaran ng Philippine Dispute Resolution Center, Inc.