Iminungkahi ni Rizal Rep. Fidel Nograles na napapanahon na para magtayo ang pamahalaan ng permanent evacuation centers na magagamit hindi lamang sa panahon ng kalamidad kundi sa oras ng pandemya.
Ginawa ito ni Nograles kasunod na rin ng pagtama ng magkasunod na bagyong Quinta at supertyphoon Rolly sa bansa.
Sinabi nito, nag-agawan na ang mga tao sa espasyo para sa quarantine facilities at evacuation centers.
Dapat aniya na magtayo ng mga permanenteng evacuation centers dahil ito ang pinakamalinaw na solusyon sa problema.
Dagdag pa nito, naisasakripisyo aniya ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa tuwing may tatamang sakuna o kalamidad ang mga paraalan ang ginagamit na evacuation center.
Sa ngayon ay nagpapagawa na ng feasibility study si Nograles para sa pagtatayo ng permanente at matatag na evacuation centers sa kanyang distrito.
Nauna nang inihain ng Bayan Muna Partylist ang House Bill 5259 o Evacuation Centers Bill na nagsusulong ng pagtatayo ng disaster resilient evacuation centers sa pagitan ng dalawa o tatlong barangays.