Ikinokonsidera ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang pagkakaroon ng permanent relocation sa mga residente na naninirahan sa 6 kilometer radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkang Mayon.
Ayon kay Governor Edcel Greco Lagman, kanilang pag-aaralan ang posibleng resettlement sa mga residente sa oras na maibalik na sa normal ang sitwasyon sa lalawigan mula sa pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Subalit ipinunto din ng local executive na kailangan munang magkaroon ng batas para legal na mai-relocate ng gobyerno ang mga pamilya na naninirahan sa loob ng permanent danger zone.
Sinabi din ng gobernador na hihingi siya ng tulong mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Agriculture (DA), at Department of Agrarian Reform (DAR) para maisakatuparan ang relocation sa mga residente lalo na at ang pagsasaka ang isa sa kabuhayan sa kanilang probinsiya.
Bagamat nakalatag kasi aniya ang evacuation protocols, umapela ang Gobernador sa mga apektadong residente na maging bukas sa posibilidad na relocation sa mas ligtas na lugar upang hindi na magdulot pa ng abala sa tuwing nagkakaroon ng mga pag-alburuto sa bulkang Mayon.