-- Advertisements --

Nais ni Labor Sec. Silvestre Bello III na magpataw na ang gobyerno ng Pilipinas ng permanent deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait.

Ito’y matapos na lumabas ang “peke at hindi makatotohanang” autopsy result sa isang OFW na pinatay ng kanyang mga amo nitong Disyembre.

Sinabi ni Bello, duda raw ito sa kredibilidad ng mga Kuwaiti forensic doctors makaraang magpadala sila ng report sa autopsy na isinagawa kay Jeanelyn Villavende kung saan namatay daw ito dahil sa “physical injuries.”

“I wrote to NBI (National Bureau of Investigation) to conduct our own autopsy, and I found out na ‘yong autopsy report ng Kuwaiti government ay palpak, sinungaling at walang kwenta,” wika ni Bello.

Bunsod nito, irerekomenda daw ni Bello sa governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magpatupad ng deployment ban ng household service workers sa “walang kwentang” Kuwait.

“Wala na tayong ipadadala doon. Mga walang kuwenta ‘yang mga Kuwaiti na ‘yan. Biro mo ‘yong ginawa nila sa ating kababayan. ‘Pag ikuwento ko sa inyo, baka pati [kayo] magwewelga na. Masyado nilang inapi ang ating kababayan,” ani Bello.

“We will not allow injustice done to our OFW. We will see to it that the culprits will answer for their crimes.”

Batay sa autopsy report ni NBI medical officer Dr. Ricardo Rodaje, may posibilidad na nakaranas ng pang-aabusong sekswal si Villavende bago ito paslangin.

Una nang sinabi ng mga opisyal ng Pilipinas na nasa kustodiya na ng mga Kuwaiti authorities ang suspek sa pagpatay kay Villavende.

Kasalukuyan pa ring umiiral ang partial ban sa pagpapadala ng mga OFWs sa Gulf state.