Makakahinga na ng maluwag ang mga kandidato sa darating na 2025 midterm elections dahil hindi na magiging problema pa ang ipinatupad na permit to campaign ng New People’s Army lalo na sa mga probinsiya.
Ito ay dahil humina na ang komunistang grupo bunsod ng pinaigting na kampaniya ng pamahalaan laban sa insurhensiya ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
Ang permit to campaign ay tumutukoy sa pangongolekta ng fees ng mga komunistang rebelde, na minsan ay sapilitan, mula sa mga kandidato upang makatakbo sila para sa posisyon sa gobyerno kapalit ng proteksiyon. Itinuturing ito ng NSC bilang isang uri ng extortion o pangingikil.
Nauna naman ng nagbabala ang NSA sa mga kandidato na huwag bibigay sa panggigipit ng NPA dahil maaaring gamitin ito ng rebeldeng grupo para pondohan ang kanilang mga ilegal na aktibidad.
Samantala, base sa pagtaya ng NSC, bumaba na sa 5 ang ‘weakened guerilla fronts o political-military structure ng NPA, bahagya itong nabawasan mula sa 7 noong unang semester report ngayong 2024.
Batay naman sa Armed Forces of the Philippine, kabuuang 1,367 komunistang rebelde at kanilang supporter ang na-nutralisa na mula Enero 1 hanggang Agosto 8 ng kasalukuyang taon.