DAVAO CITY – Patuloy ang panawagan nang militar sa mga kandidato sa May 2019 midterm election na iwasan ang “permit to win, permit to campaign” na ginagawa ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Lt. Col Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom), wala pa silang namo-monitor na NPA na nanghihingi ng pera sa mga kandidato kapalit ng pangangampanya nito sa mga malalayong lugar na may presensiya ng mga rebelde.
Pinaninindigan din ng opisyal na hindi pinapayagan ang parehong hakbang at maaring mahaharap sa reklamo ang mga kandidato na magbibigay ng pera sa teroristang NPA.
Una na umanong nagbanta si Sec. Eduardo Año na sasampahan nila ng kaso ang mga kandidato na masasangkot sa parehong gawain.
Samantala, sinabi ng Davao City Police Office (DCPO) na nakahanda na ang kanilang ipapatupad na seguridad lalo na sa mga lugar na kabilang sa election watchlist areas (EWAS).
Ayon kay Police Senior Inspector Maria Theresita Gaspan, tagapagsalita ng DCPO, doble ang kanilang deployment ng kapulisan sa mga lugar na sakop ng EWAS para maging matiwasay ang eleksyon at maiwasan ang kaguluhan.
Hihigpitan din ng mga otoridad ang kanilang monitoring para maiwasan ang pananabotahe ng mga law less armed group.