LA UNION – Kinumpirma ng Police Regional Office Region 1 (PRO-1) na ang umano’y nadiskubreng droga ng mga otoridad mula sa loob ng hotel room na tinutuluyan ng namatay na artist na si Bree Jonson at ang nobyo nito na si Julian Ongpin sa Barangay Urbiztondo, San Juan, La Union ay cocaine.
Base sa inilabas na pahayag ng PRO-1, tumitimbang ng 12.6 grams ang naturang droga.
Itinuturing din ngayon ng pulisya bilang person of interest si Ongping na umano’y huling nakasama ni Jonson bago ito namatay.
Lumalabas din sa resulta ng drug test ni Ongping na positibo umano ito sa bawal na gamot.
Nasampahan na rin ng kasong paglabag sa Sec. 11 at Sec. 15 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang nobyo ng namatay na artist, ngunit ipinag-utos ng pisklaya na pansamantalang palayain ito habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon.
Samantala, ipinag-utos rin ni PNP Chief General Guillermo Eleazar sa PRO-1 Director na si Brig. Gen. Emmanuel Peralta na tutukan ang naturang kaso upang malaman ang tunay na dahilan sa pagkamatay ni Jonson at ang umano’y pagkakasangkot ni Ongping sa droga.
Sa kabilang dako, hindi muna nagbigay ng pahayag sa Bombo Radyo ang pamilya ni Johnson na naghihintay sa resulta ng pagsisiyasat ng mga otoridad.
Nasa isang punerarya sa bayan ng San Juan ang bangkay ng artist at isinasailalim pa ito sa proseso para maibiyahe patungo sa kanilang tahanan.