Posibleng gawing requirement ang personal na pagpaparehistro ng SIM card upang mapadali ang beripikasyon ng pagkakakilanlan at maiwasan ang ilegal na pagbebenta ng ID para sa panloloko.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), kasalukuyan nitong nire-review ang mga mungkahing pagbabago sa SIM Registration Act, kabilang ang personal na pagdalo ng may-ari ng SIM, tulad ng sa aplikasyon ng lisensya sa pagmamaneho at NBI clearance.
Binatikos ang kasalukuyang online registration dahil sa pagdami ng text scams, kung saan ginagamit ang mga ibinebentang preregistered SIM cards. Ang mga mahuhuling sangkot dito ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmultahin ng P100,000 hanggang P300,000.
Inirekomenda rin ng National Telecommunications Commission (NTC), ang pagtatakda ng limitasyon sa bilang ng SIM na maaaring pagmamay-ari ng isang indibidwal at isang sistema kung saan maaaring i-verify ng telcos ang ID ng mga nagpaparehistro.
Samantala, pinag-aaralan ng gobyerno ang pagbuo ng ID database na magagamit ng telcos para sa authentication, bilang tugon sa patuloy na paglaganap ng text scams. Ayon sa isang Anti-Scam Alliance, umabot sa halos P460 bilyon ang nawalang pera ng mga Pilipino sa nakalipas na taon dahil sa mga scam na karamihan ay isinagawa sa pamamagitan ng text messages.