-- Advertisements --

CEBU CITY – Tinadtad ng bala ang alkalde ng Clarin, Misamis Occidental na si Mayor David Navarro matapos itong tinambangan sa M.Velez St. Barangay Guadalupe, lungsod ng Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Police Master Sergeant Carlo Balasoto, police investigator ng Fuente Police Station, sinabi nito na papunta na sila sa piskalya para sa inquest proceeding nang biglang humarang ang isang puting van sa kanilang sinasakyang patrol kung saan nasa loob ang alkalde.

Ayon kay PMSg. Balasoto na tinutokan ng baril ang drayber ng patrol car at pinadapa silang lahat at pinalabas ang alkalde.

Diumanoy pinahubad ang alkalde sa suot nitong vest at doon pinagbabaril sa harap mismo ng pamilya at tatlong bodyguards nito.

Nabatid na sugatan ang mga bodyguard ng alkalde at nasa ospital magpahanggang ngayon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung saan sa inisyal na report, personal grudge o ang kaugnayan nito sa iligal na droga ang motibo sa krimen.

Kung maalala, nadawit ang pangalan ng alkalde nang inireklamo ito ng pambubugbog at pangbabastos ng dalawang masahista sa isang massage parlor dito sa lungsod ng Cebu kaya ito nakulong at kakasohan na sana ng act of lasciviousness, physical injury at usurpation of authority.

Si Mayor Navarro rin ay kasama sa narco-list ni Presidente Rodrigo Duterte.