-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Mayroon nang person of interest ang pulisya na itinuturong nasa likod ng pamamaslang sa isang high school teacher sa bayan ng Dasol, Pangasinan.

Una rito, papasok na sana ang 48-anyos na biktimang si Ruby Marcha Domalanta sakay ng kaniyang tricycle nang bigla na lamang siyang paputukan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Corporal Terrence Ferrer, Duty investigator ng Dasol PNP, sinabi nito na hindi pa nila maaaring ilabas ang pangalan ng kanilang person of interest sa naturang kaso.

Kasalukuyan pa kasi silang nagsasagawa raw ng follow up investigation at patuloy pa ring biniberipikia ang ilang mga nakalap na impormasyon.

Inamin naman ng opisyal na bagama’t may mga lumutang na witness, nahirapan umano silang makilala at tukuyin ang suspek dahil nakasuot umano ito ng helmet nang gawin ang krimen.

Samantala, idinagdag ni Ferrer na posibleng personal na alitan sa pagitan ng suspek at biktima ang motibo ng pamamaslang.

Matatandaan na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa kanyang ulo at katawan ang biktima, na siyang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Anim na basyo naman ng bala mula sa kali-bre 45 na baril ang narekober ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen.