Naniniwala si Sen. Bong Go na magiging “morale booster” ang panonood nang personal ni Pangulong Rodrigo Duterte sa opening game ng Gilas Pilipinas kontra sa Italy sa darating na FIBA World Cup.
Ang pahayag na ito ni Go ay isang araw matapos ang pangangantiyaw ni Pangulong Duterte na mahihirapan daw ang Gilas sa magiging sagupaan nila ng isa sa mga European powerhouse teams.
“Ang problema ang unang kalaban natin Italy. Wala. Walang laban. Walang tayo diyan. China na lang tayo magpusta. Wala. Ay sus. Pa-corny ka pa. Wala talaga tayo,” ani Duterte sa isang talumpati nitong Martes.
“We will lose dito sa Italian, ang lalaki kaya niyang mga gagong ‘yan.”
Sinabi ni Go na nakatanggap daw si Pangulong Duterte ng imbitasyon mula kay Chinese President Xi Jinping na dumalo sa opening ceremony ng World Cup sa Beijing sa Agosto 30.
“Hinimok ko pong pumunta si Pangulong Duterte,” anang senador. “Magiging morale booster po itong pagpunta ni Pangulo.”
Matapos nito ay tutungo ang presidente sa Foshan upang panoorin ang unang laro ng world no. 31 na Gilas.
Ayon pa sa mambabatas na tumatayong special adviser ng Gilas, importante raw ang match-up sa Italy dahil ito ang magdidikta kung magagawa ba ng Pinoy team na umusad sa sunod na round ng kompetisyon.
Taliwas naman sa naging pahayag ng Pangulong Duterte, kumpiyansa si Go na may tsansa ang Gilas kontra sa Italy.
“Mabibilis naman tayo at tsaka matatalino tayo. Ang galing ng Pilipino. Ako, I believe in our team,” Go said. “Malay mo ma-tsambahan natin,” wika ni Go.