BAGUIO CITY – Excited na ang buong team ng pambato ng Pilipinas na si Bea Patricia “Patch” Magtanong sa gaganaping Miss International 2019 mamayang gabi sa Tokyo, Japan.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Raymond Saldaña, official photographer ng Binibining Pilipinas, sinabi nitong isa sa mga edge ng pambato ng Pilipinas ang kanyang personality at pagiging unique.
“Dahil nag shoot ako sa Japan, nakita ko lahat ng candidates. Magaganda yung mga candidates. Nakita ko lang yung uniqueness ni Patch. Tinanong ko sa Japan si reigning Miss International 2018 Mariem Velazco. I said, ‘What do you think of Miss Philippines?’ Sabi niya, ‘I believe she has a good chance in the Top 5.’ Kasi unique eh. Yung smile niya maganda, tapos yung personality niya, hindi siya O.A. Napapansin siya. She is so polished. I believe it is part of Patch’ character. Malakas si Patch. Pasok talaga siya sa requirements ng Miss International.”
Inilahad din nito na isa sa mga pinag-aralan ni Patch ay ang pagkakaroon ng sweet na image para sa pageant.
“Iba yung Miss International pageant eh. Dun siya nag-aral na bawasan yung pagiging fierce niya, kasi usually kapag sumasali ng Bb. Pilipinas, lahat ng candidates nagiging fierce eh. So yung napupunta sa Miss International, usually yung hinahanap sa Japan, may sweet personality. So si Patch, dun siya nag concentrate ngayon, tapos yung proper attire niya, yung catwalk, yung glam shots, yung preparation para akmang-akma sa Miss International requirements.”
Humingi rin ito ng suporta sa mga Pilipino para naman sa beauty queen.
“Magtiwala tayo kay Patch. Suportahan natin si Patch. Pag pray din natin na makarating din siya dun [sa top]. Ginawa na niya lahat eh, and ginagawa pa rin niya lahat. Nag-eenjoy na siya ngayon. Nung una, affected siya sa mga bashers eh. Pero ngayon, super enjoy lang siya. So pag pray natin, na para sa kanya yun, at yun yung fate niya na maging Miss International.”
Gaganapin ang Miss International 2019 coronation night mamayang gabi kung saan tatangkaing iuwi ni Magtanong ang ika-pitong korona ng Pilipinas sa pageant.