Ibinahagi ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang mga personalized na selyo sa 100 taong gulang na si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.
Iniharap ni PHLPost Postmaster General Luis Carlos ang centenarian personalized stamp at commemorative cover kay Enrile sa Kalayaan Hall sa Malacañang Manila.
Pinarangalan naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos si JPE para sa kanyang natatanging kontribusyon sa bansa sa kanyang karera sa paglilingkod sa gobyerno.
Sinimulan ni Enrile ang kanyang karera sa public office nang tanggapin niya ang tungkulin bilang finance undersecretary sa pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Sa kanyang panunungkulan bilang acting head ng Insurance Commission, naging instrumento siya sa pagpapakilala ng mga pagbabago sa mga patakaran at regulasyon na kasama pa rin sa kasalukuyang Insurance Code ng Pilipinas.
Nagsilbi rin siya bilang acting Customs commissioner, acting Finance secretary, chairperson ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at Defense secretary sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Sr.
Ang batayan ng pag-iisyu ng PHLPost na personalized na mga selyo sa mga Filipino centenarians ay ang Republic Act 10868 o kilala bilang Centenarian Act of 2016, na nagpaparangal at nagbibigay ng karagdagang benepisyo at pribilehiyo sa Filipino Centenarians.
Nakikipag-ugnayan ang PHLPost sa mga local government units para isama sa kanilang programa ang pag-iisyu ng personalized centenarian stamps.
Ito ang sariling corporate social responsibility (CSR) ng postal agency sa pagbibigay parangal sa mga Filipino centenarians ng bansa.