TACLOBAN CITY – Patuloy ang naitatalang pagtaas ng bilang ng mga persons under investigation (PUIs) sa Eastern Visayas dahil sa 2019 novel coronavirus.
Ayon kay Dr. Minerva Molon, regional director ng Department of Health (DOH) Regional Office-8, sa ngayon ay aabot na 11 ang bilang ng mga PUIs kung saan batay sa kanilang pinakahuling data ay apat ang naidagdag na mga indibidwal na may history of travel mula sa China at Hong Kong na may mga sintomas umano ng nasabing sakit.
Gayunman sa data ng DOH central nasa 12 ang kabuuan pero ang dalawa ay na-discharge na.
Kasama naman sa mga PUIs ay ang 30-anyos na OFW na nakaranas ng hirap sa paghinga, meron ding 36-anyos na Amerikano na nakaranas ng ubo’t sipon, 11-anyos na batang babae na nakaranas naman ng lagnat at isang 31-anyos na babae na dating person under monitoring o nagkaroon ng direktang kontak sa isang PUI.
Sa ngayon ay isinasailalim na sa 14 days quarantine ang nasabing mga PUIs.
Nilinaw naman ng nasabing opisyal na sa 11 bilang ng mga PUIs sa rehiyon ay dalawa na rito ang na-discharge matapos na magnegatibo sa coronavirus.
Muli ring binigyang-diin ng DOH-8 na walang dapat na ikabahala ang publiko sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga persons under investigation sa Eastern Visayas dahil mas mainam umano ito upang maisailalim agad sa isolation ang isang PUI at hindi na makahawa pa sa ibang tao.