(Update) Wala umanong banta ng tsunami kasunod ng magnitude 8.0 na lindol na tumama sa northern Peru pasado alas-3:00 ng hapon (Manila time), o madaling araw naman sa nasabing bansa.
Ayon sa mga otoridad, naitala ang “intermediate depth” ng lindol sa 110 kilometers na malayo sa kabisera na Lima.
Habang sa bersyon ng United States Geological Survey, naitala ang lindol sa layong 75 kilometro sa Lagunas area at 180 kilometro sa silangan ng bayan ng Moyobamba.
“There are no reports of casualties nor of major material damage at this point,” saad ni Hernán Talavera na siyang pinuno ng Geophysical Institute of Peru.
Samantala, dumanas umano ng pagkaputol ng supply ng kuryente sa Iquitos at Tarapoto City, gayundin sa Amazonian towns sa Loreto region ng Peru.
May mga impormasyon din na nagtamo ng crack at pinsala ang ilang mga pader.
Sa kabila nito, nanawagan si Peruvian President Martin Vizcarra sa kanilang mga mamamayan na manatiling kalmado.