ILOILO CITY- Nagsimula nang umatake ang pesteng rice black bug sa ilang bayan sa Lalawigan ng Iloilo.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Elias Sandig Jr., assistant department head ng Iloilo Provincial Agriculture Office (PAO), sinabi nito na kabilang sa mga bayan na apektado ng peste ay ang Sara, San Dionisio, Concepcion, Ajuy, Banate, Lemery at ang component city na Passi City.
Ngunit sinabi ni Sandig,maliit lamang ang posibilidad na magdulot ito ng pinsala sa palayan.
Ayon kay Sandig, mapalad ang mga magsasaka dahil umatake ang nasabing peste ngayong wala nang masyadong standing crops maliban sa bayan ng Banate kung saan kasasabog pa lang ng palay ng mga magsasaka.
Nagpaalala naman si Sandig sa mga magsasaka na ipagpatuloy lang ang ginagawang pamamaraan ng pagpuksa sa nasabing peste.