BACOLOD CITY – Inamin ni Pinay boxing champion Nesthy Petecio na sobrang nangigil siya kay Nwe Ni Oo ng Myanmar, sa naging laban nila sa women’s boxing featherweight division sa pagnanais na matalo at makaganti agad sa pag talo nito sa kanya noon sa mismong bansa ng nasabing atleta.
Sa kwento pa ni Petecio sa Star FM Bacolod, sinabi niyang bago paman manalo via unanimous decision at ma e bulsa ang gold medal sa 2019 South East Asian (SEA) Games ay nahirapan umano siyang makapag concentrate ng maayos dahil sa pressure at pangigigil niya sa unang round palang ng laban.
”Sa first round palang gustong-gusto ko na siyang tapusin eh kaso hindi talaga siya ma timing-timingan eh. Magsisimula palang ang laban sinasabihan na ako nila coach na huwag akong manggigil kasi alam nilang gusto kung gumanti pero dapat mag relax at maglaro lang. Pero wala eh, andoon na kung baga naka stick na sa katawan ko yong pangigigil na gusto kong gumanti kaya ang hirap ng mag-balance pero mabuti nalang po nong 2nd round medyo nakapag adjust na ako”.
Dagdag pa ni Petecio nagpapasalamat din siya kay Nwe Ni Oo dahil ito lang ang tanging atleta na nanatili sa kanilang timbang dahilan na dumeretso agad siya sa final match ng SEA Games.
”Nagpapasalamat po talaga ako sa kanya kasi siya lang yong nag stay sa timbang namin eh, hindi siya lumipat ng ibang timbang. Sa performance naman niya nakikita ko naman kung gaano niya pinagbutihan din para ma depensahan ang title niya sa nakaraang SEA Games. May respeto at bilib din po ako sa kanya.”
Ngayon ay susunod nang paghahandaan ni Aiba Women’s World Boxing 2019 Champion Nesthy Petecio ang kaniyang laban sa 2020 Tokyo Olympics.