Naghain ng petisyon ang isang abogado sa Korte Suprema na humihiling para maglabas ng court order na nag-aatas sa Senado na agad aksyunan ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa inihaing petisyon ni Atty. Catalino Generillo Jr., hiniling niya sa korte na mag-isyu ng writ of mandamus para agad na mag-convene ang mga Senador bilang impeachment court at kaagad na magsagawa ng public trial kasunod ng paghahain ng impeachment case ng Kamara de Representantes.
Sinabi ni Atty. Generillo na hindi dumaranas ng anumang uri ng kapansanan, pisikal man o mental ang mga Senador na pumipigil sa kanila para mag-convene bilang impeachment court kayat agad na dapat magsagawa ng public trial para matukoy kung guilty o hindi ang Bise Presidente.
Ipinunto din ng abogado na ginamit ng konstitusyon ang salitang “forthwith” na nangangahulugan ng “immediately, at once, instantly at straight away” sa probisyon nito sa impeachment case.
Samantala, hindi naman naniniwala si dating SC Senior Associate Justice Antonio Carpio na kayang pilitin ng SC ang Senado na aksyunan ang impeachment case.
Nauna na ring sinabi ni Senate President Chiz Escudero na hindi dapat itulak ng House members ang Senado na agad aksyunan ang mga alegasyon na aniya’y inabot ng ilang buwan bago mapagpasyahan ng House members na i-impeach si VP Sara.