-- Advertisements --
naia

Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon na humihiling sa Supreme Court (SC) na ibalik sa dating pangalang Manila International Airport (MIAA) ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay SC Spokesman Brian Keith Hosaka, sinabi mismo sa kanyan ni Chief Justice Diosdado Peralta na ibinasura ito kahapon sa isinagawang en banc session.

Aniya unanimous umano ang desisyon ng mga mahistrado na ibasura ang petisyon na inihain ng kontrobersiyal na abogadong si Larry Gadon dahil sa kawalan ng merito.

Sa petisyon ni Gadon, nakasaad dito ang ipawalang bisa ang RA 6639 (An Act Renaming the Manila International Airport as the Ninoy Aquino International Airport).

Sa kanyang 16 na pahinang petisyon, hiniling ni Gadon sa Korte Suprema na ideklarang null and void ang Republic Act No. 6636 dahil labag aniya ito sa umiiral na rules and laws.

Kasama ang kanyang abogado na si Manila Times Columnist Atty. Al Vitangcol III, hiniling ni Gadon na atasan ng SC ang gobyerno na ibalik ang pangalan ng paliparan sa dating Manila International Airport (MIA).

Iginiit ni Gadon na base sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) guidelines, sa ilalim ng Paragraph 6 ng Section IV nakasaad dito ang mandato na walang public place na dapat palitan ang pangalan o ipangalan sa sino mang indibidwal sa loob ng 10 taon ng kanyang kamatayan maliban na lamang sa mabigat na kadahilanan.

Si dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino III aniya ay na-assassinate sa tarmac ng nasabing paliparan noong August 21, 1983 at ang MIA ay pinalitan ng pangalang NAIA noong November 1987.

Nilabag aniya nito ang guideline dahil apat na taon pa lamang noon matapos na mamatay si Ninoy nang ipangalan sa kanya ang airport.

Ipinunto pa ni Gadon na si Aquino ay exceptional character at hindi siya maituturing na bayani.

Sa katunayan aniya nahatulan din si Ninoy sa Amerika ng parusang kamatayan dahil sa subversion charges ng military commission sa US kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa usapin ng declassified documents ng US Department of State noong June 30, 2005.

Agosto 27 nang maghain si Gadon ng petisyon sa SC para ibalik sa dating pangalan ang NAIA.