Inihain ng 1Sambayan Coalition at iba pang personalidad ang isang petisyon na humihiling sa Korte Suprema na ideklarang labag sa batas ang ilang mga probisyon ng Republic Act No. 12116 o General Appropriations Act of 2025.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina dating Supreme Court senior associate justice Antonio Carpio, SANLAKAS sa pangunguna ni Marie Maguerite Lopez, Advocates for National Interest, dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, at UP Diliman professors Cielo Magno, Atty. Dante Gatmaytan, at Ma. Domingo Cecilia Padilla.
Pinangalanan naman ng mga petitioner bilang respondents ang Senado, Kamara de Representantes, Office of the Executive Secretary, Department of Budget and Management, Department of Finance at Department of Public Works and Highways.
Iginiit ng mga petitioner sa kanilang inihaing petisyon na isang paglabag sa Saligang Batas ang hindi pagbibigay ng pinakamataas na pondo sa sektor ng edukasyon at ang hindi paglalaan ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kinukwestyon din ng mga ito ang legalidad ng AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program dahil sa pakikisawsaw ng mga mambabatas na tila nagsisilbing congressional pork barrel.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na may naghain ng petisyon na kumukwestyon sa 2025 national budget, una dito ay ang inihaing petisyon nina Davao city 3rd district Rep. Isidro Ungab at dating executive secretary Vic Rodriguez na kinukwestyon ang nadiskubreng umano’y blank items sa bicameral committee report ng 2025 national budget.
Matatandaan na ang naturang koalisyon din kasama ang iba pang grupo, ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema noong Oktubre 2024 para harangin ang paglilipat ng P89.9 billion na sobrang pondo ng PhilHealth sa national treasury.