-- Advertisements --
FB IMG 1615875625662

Moot and academic, ito ang naging dahilan ng Korte Suprema kayat ibinasura na nila ang petisyon na kumukuwestiyon sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) kahit wala itong pag-apruba ng senado.

Sa desisyon ng Supreme Court (SC) na isinulat ni Associate Justice Marvic Leonen, unanimous decision o lahat ng mga mahistrado ay pumabor sa na ibasura na ang naturang petisyon.

Ito ay dahil naisakatuparan na raw ang pagbawi o pag-atras ng Pilipinas sa ICC noong pang taong 2019 matapos magpadala ng notice of withdrawal ang bansa noong 2018.

Nagdesisyon noon si Pangulong Duterte na kumalas sa ICC isang buwan matapos ang pahayag ng ICC Prosecutor na si Fatou Bensouda na bubuksan nila ang preliminary examination kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga na ikinamatay ng libo-libong katao.

Nakasaad sa desisyon na bagamat ibinasura nila ang kaso, kinikilala naman ng mga ito ang pangulo ng bansa bilang primary architect ng foreign policy.

Pero ang kapangyarihan daw na ito ay maaaring limitahan kung nangangailangan ng concurrence ng Senado, kung may batas na nangangailangan ng negosasyon para sa isang tratado o international agreement para sa pagpapatupad ng umiiral nang mga treaty.

Kasama rin sa desisyon na mayroong probisyon sa bago ang naturang batas, ang Republic Act No. 9851 na inamiyendahan ng Rome Statute.

Maliban dito, ipinunto rin ng kataas-taasang hukuman na mayroong sapat na kapangyarihan ang judiciary para maprotektahan ang human rights taliwas sa espekulasyon ng mga petitioners.

Kabilang sa mga petitioners o kumuwestiyon sa withdrawal ng Pilipinas sa ICC ay sina Senators Francis Pangilinan, Franklin Drilon at Risa Hontiveros.

Gayundin sina dating Senators Bam Aquino at Antonio Trillanes IV kasama rin ang Philippine Coalition for the International Criminal Courts.

Iginiit noong ng mga petitioners na ang Rome Statute na nagtatag ng ICC ay isang tratado na dumaan sa ratipikasyon ng Kongreso, ito ay maituturing na batas na ipinasa ng sangay ng lehislatura na kung babawiin man ay dapat mayroon pa ring partisipasyon ang Kongreso.