Inihain ng health reform advocate na si Dr. Tony Leachon ngayong araw ng Martes, Pebrero 25 ang petition for certiorari and prohibition sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa legalidad ng zero subsidy o hindi paglalaan ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng 2025 national budget.
Kabilang sa mga respondent sa naturang petisyon sina House Speaker Martin Romualdez, Senate President Francis “Chiz” Escudero at Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sa petisyon ni Dr. Leachon, kaniyang hiniling sa Korte na mag-isyu ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para mapatigil ang pagpapatupad ng 2025 General Appropriations Act (GAA) may kinalaman sa zero subsidy para sa state insurer.
Hiniling din ni Dr. Leachon sa Korte na mag-isyu ng writ of mandamus para atasan ang kaukulang mga ahensiya ng gobyerno na agad maglaan at maglabas ng kailangang mga pondo para sa PhilHealth alinsunod sa Universal Health Care Act at 1987 Constitution.
Ipinaliwang ni Dr. Leachon na inihain nito ang naturang petisyon dahil unconstitutional o labag sa batas ang hindi paglalaan ng subsidiya sa PhilHealth na unang beses na nangyari sa kasaysayan ng bansa kung saan hindi aniya binibigyan ng halaga ang kalusugan ng mga Pilipino ng Pangulo ng Pilipinas maging ng Senate President at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Saad pa ni Leachon na ang pag-realign at pagtaas ng pondo para sa ibang mga sektor partikular na sa House at Senado ay ginawa aniya sa hindi makatwirang paraan na nagkait sa mga Pilipino ng kanilang mga karapatan para sa isang transparent na proseso ng pagpopondo.
Sa halip, binigyang katwiran aniya ng mga respondent ang hindi pagsama sa Philhealth sa pondo sa pamamagitan ng humigit-kumulang P600 billion na reserve funds.
Ang paghahain ng petisyon ay sa gitna ng muling pagsasagawa ng SC ng oral arguments sa mga kasong humahamon sa paglilipat ng pondo mula sa PhilHealth patungo sa national treasury.