CAUAYAN CITY – Walang nakikitang malaking rason ang dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para muling buksan ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) na kahilingan ng PDP Laban Cusi wing.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Domingo Cayosa, dating presidente ng IBP na kabilang sa puwedeng dahilan para pagbigyan ang petisyon na buksan ang paghahain ng COC ay kung may malawakang gulo at bagyo na hindi nagawa ng mga partido ang kanilang kandidatura na hindi naman nangyari.
Sakaling pagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon ng PDP Laban Cusi wing ay magagahol sa panahon ang Comelec sa paglimbag ng mga balota at hindi puwedeng palitan ang petsa ng halalan dahil ito ay nasa nakasaad sa Saligang Batas at kailangan na amiyendahan ng Kongreso.
Panahon ngayon aniya ng halalan at may kanya-kanyang bangayan at isyu ang mga partido kaya hindi dapat mabahiran ng alegasyon at perception na may kinikilingan ang Comelec..
May pending na kaso internally at nag-aagawan ang PDP Laban Cusi Wing at Pacquiao Wing ng pagiging lehitimong partido.
May mga kandidato ang PDP Laban na naghain ng COC ngunit umurong at ngayon ay nagharap ng petisyon na muling buksan ang paghahain ng kandidatura.
Ayon kay Atty. Cayosa, may karapatan at pribilehiyo ang ibang partido na maghain ng pagtutol sa petisyon.
Dapat ay mag-focus na ngayon ang mga partido para sa nalalapit na kampanya at dapat inayos noon pa ang gusot sa PDP Laban.
Mahalaga aniya na may sapat na panahon sa paglimbag ng mga balota at hindi maganda sa demokrasya kung maipagpaliban ang halalan.
Kailangan ding may panahon ang mga mamamayan na makilatis ng taumbayan ang mga karapat-dapat na iboto sa darating na halalan.