-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ng isang koalisyon sa transportasyon ang hiling na magkaroon ng pagbabago sa minimum fixed rate ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) providers. 

Panawagan kasi ng grupo na gawin nang 150 hanggang 200 pesos ang magiging presyo sa pagsakay ng mga pasahero sa kanilang pagbu-book ng masasakyan.

Kaya naman, ang naturang koalisyon ay nagsadyang magtungo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magsumite ng kanilang petisyon.

Ayon kay Gerric Asuncion, ang kasalukuyang pinuno ng United Transportation Coalition Philippines, ang kanilang panawagan na pagtatalaga ng ganitong singil sa pamasahe ay upang maibsan na rin ang kadalasang pagkakansela sa mga booking.

‘Para sa amin po sa ngayon, sa preen situation natin, economic condition natin, yung 3 kilometers below na trips, we are asking for at least 150 – 200 na amount, fixed minimum amount so as para matanggal po natin yung mga nagka-cancel na mga pasahero, nagka-cancel na mga driver para po maganda ang serbisyo,’ ani Gerric Asuncion ng United Transportation Coalition Philippines (UTCP).

Ngunit paglilinaw naman niya, hindi nila nais o inuudyok na magkaroon ng pagtaas sa pamasahe ng mga pasahero kada sila’y sumasakay sa nila. 

Bagkus, iginiit ni Gerric Asuncion na ang kanilang iminumungkahi lamang sa petisyon ay ang pagrerebyu sa fare matrix dahil aniya, hindi na umano ito nakasasabay sa sitwasyon natin ngayon. 

Pahayag naman ng isa pa niyang kasamahan na si Edison Natividad, sobrang baba umano ng kasalukuyang rate sa fare ng kanilang kada-byahe.

‘Yung ah sobrang baba ng fare, kawawa na po kami Chairman Gaudiz sana po tutukan niyo ito,’ pahayag ni Edson Natividad ng UTCP.