Tinanggihan ni Senate President Francis “Chiz’ Escudero ang hiling ng panel of prosecutors ng Kamara na agad nang pasagutin si Vice President Sara Duterte sa articles of impeachment laban sa kanya.
Kahapon, personal na naghain ng mosyon ang House prosecutors sa pangunguna ni House Minority Leader Marcelino Libanan upang iapela sa Senado na pasagutin si VP Sara sa impeachment.
Sa kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Escudero na pepwede lamang pagkomentin ang pangalawang pangulo kapag na-convene na ang impeachment court.
Batay sa proposed calendar, magco-convene bilang impeachment court ang Senado sa Hunyo 3.
Samantala, pinasaringan pa ni Escudero si Libanan na hindi na raw para sa kanya na ituro pa sa mambabatas ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng sesyon at recess dahil isa raw siya sa sumulat noon ng rules ng Kamara na kahalintulad lang naman aniya sa rules ng Senado.
Malinaw aniya na hindi maaaring mag-issue ng writ of summons dahil wala pang sesyon at hindi pa naco-convene ang impeachment court.
Nagpaalala pa si Escudero kay Libanan kaugnay sa iginigiit nilang forthwith na sa kanilang interpretasyon ay immediate o dapat agad aksyunan ang articles of impeachment laban sa bise presidente.
Gayunpaman, tingin ni Escudero hindi naman aksaya ng oras ang ginawa ni Libanan at ilan pang prosecutors ang pagsusumite ng apela sa Senado.
Una nang Iginiit ng prosecutors ang constitutional mandate ng Senado na simulan na ang paglilitis kasunod ng pag-transmit sa complaint.
Binanggit ng mga ito ang Section 3, paragraph 4, Article XI ng Saligang Batas kung saan malinaw ang mga katagang, “shall forthwith proceed”.
Ngunit payo ng liderato ng senado, huwag silang nagmamadali dahil baka lalo silang mabutasan at mas mabigyan lang nila ng rason ang kampo ng iniimpeach nila na makwestyon sa Korte Suprema.