GENERAL SANTOS CITY – Hindi na umano ipinagtaka ng isang kilalang abogado sa GenSan nang mabasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon na inihain ng Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International, Inc., may kaugnayan sa closure order ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Rogelio Garcia, isa itong wrong mode of petition at talagang mababasura agad dahil walang basehan.
Unang rason ay dahil may immunity aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang kaso at hindi dapat sa SC ihahain ang impeachment, kundi sa Kongreso at kailangan pa na may mag-endorso nito.
Naniniwala naman si Atty. Garcia na sinadya ang nasabing petisyon para mabigyan lang ng pag-asa ang mga biktima ng KAPA.
Napag-alaman na agad binasura ng SC ang petisyon ng KAPA donor na Rhema International Livelihood Foundation Inc o Cirfund laban sa Pangulo at Securities and Exchange Commission (SEC) dahil wala silang nakitang merito.
Una na ring inihirit ng Cirfund na pagbayarin ng P3 billion na danyos sina Pangulong Duterte at SEC Chairman Emilio Aquino.