Binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagbasura sa reklamong kriminal at administratibo na inihain noong 2019 ni dating Senator Leila de Lima laban kina dating justice secretaries Vitaliano Aguirre II at ngayon ay kasalukuyang solicitor general Menardo Guevarra dahil sa kawalan ng due process.
Bunsod nito, pinababalik ng CA sa huriskdiskiyon ng Office of the Ombudsman ang reklamong inihain ni de Lima may kinalaman sa pagsasampa ng kasong iligal na droga sa korte laban dating Senadora at ang kaniyang pagkakakulong para sa tamang disposisyon.
Una na kasing kinasuhan ni De Lima sina Aguirre at Guevarra ng criminal charges dahil sa dereliction of duty at graft at kasong administratibo para naman sa grave misconduct at gross negligence dahil sa pagpayag sa mga preso na tumestigo laban sa kaniya sa illegal drug cases at inilagay ang mga ito sa witness protection program ng pamahalaan.
Ang mga testimoniya naman ng mga preso sa imbestigasyon ng Kongreso noong 2016 ay humantong sa paghahain ng illegal drug cases sa Department of Justice noong 2017 laban kay de lima at iba pang mga personalidad.
Gayundin noong 2017, naghain ang DOJ sa Muntinlupa city regional trial court ng 3 kasong kriminal laban kay de lima at kaniyang kapwa akusado. Matapos makitaan ng probable cause ng RTC, isinilbi ang warrant of arrest kay de lima na humantong sa kaniyang pagkakakulong sa PNP custodial center sa Camp Crame sa Quezon city.
Inabswelto naman ng RTC si De Lima sa 2 kasong kriminal habang ang kaniyang huling kaso may kaugnayan sa iligal na droga na kasalukuyang nakabinbin pa ay pinayagan itong makapagpiyansa at ipinag-utos na makalaya matapos ang halos pitong taong pagkakakulong.