Ibinasura ng CA ang petisyon ni Vhong Navarro laban sa pagpapawalang-sala sa isa sa mga kinasuhan niya ng grave coercion.
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang petisyon ng aktor at television host na si Ferdinand “Vhong” H. Navarro na humamon sa desisyon ng Taguig City regional trial court (RTC) na nagbasura sa kasong grave coercion na isinampa niya laban kay Sajed Fernandez, alyas “Jed Fernandez.”
Binaligtad ng RTC ang desisyon ng metropolitan trial court (MeTC) na hinatulang guilty si Fernandez ng grave coercion at nagpataw ng pagkakakulong na anim na buwan hanggang tatlong taon.
Ang kasong grave coercion ay may kaugnayan sa insidente noong Enero 22, 2014 na kinasangkutan ni Navarro at ng grupo nina Deniece Millinette Cornejo, Cedric Cua Lee, Bernice Lee, Simeon Palma Raz Jr., Jose Paolo Gregorio A. Calma, Fernandez, at Ferdinand Guerrero.
Iginiit ni Navarro na siya ay “brutalized” ng grupo ni Cornejo sa condominium unit ng huli sa Taguig City.
Siya diumano ay hogtied, piniringan, binusalan, binugbog, sinipa, pinagbantaan, tinutukan ng baril, pinahiya habang kinukunan ng video ang kanyang mga pribadong bahagi, at pinilit na aminin na ginahasa niya si Cornejo.
Sinabi rin niya na dinala siya ng grupo ni Cornejo sa Southern Police District kung saan pinirmahan niya ang police blotter sa ilalim ng pagbabanta at pananakot na ginagamit ng grupo ng Cornejo.
Ang mga insidente ay nagbunsod kay Navarro na kasuhan si Cornejo at ang kanyang grupo ng grave coercion sa harap ng metropolitan trial court (MeTC) ng Taguig City sa isang criminal charge sheet na may petsang Abril 4, 2014.
Ibinigay ng MeTC ang demurrer sa ebidensyang inihain nina Raz at Calma at, sa katunayan, pinawalang-sala sila sa mga paratang.
Noong Hulyo 27, 2018, inilabas ng metropolitan trial court (MeTC) ang desisyon nito na napatunayang nagkasala sina Cornejo Lee, at Fernandez ng grave coercion.
Napawalang-sala si Bernice Lee.
Inapela nina Cornejo, Lee at Fernandez ang desisyon sa harap ng RTC.
Sa isang desisyon noong Hulyo 31, 2019, ibinasura ng RTC ang apela nina Cornejo at Lee.
Gayunpaman, pinagbigyan nito ang apela ni Fernandez na naabsuwelto sa mga kaso.