Binatikos ni House prosecutor at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon ang petisyong inihain ng na-impeach na si Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema (SC) upang pigilan ang isasagawang impeachment trial ng Senado.
Ayon kay Bongalon ito ay isang desperadong hakbang, at ang kauna-unahang na-impeach na opisyal na nagpasaklolo sa Mataas na Hukuman upang ipahinto ang paglilitis.
Sinabi ni Bongalon, sa halip na harapin at ipagtanggol ang sarili sa impeachment court, nais ni Duterte na harangin ang paglilitis, na nagpapahiwatig ng kahinaan ng kanyang depensa.
Ipinunto rin ni Bongalon na sa kasaysayan ng impeachment sa Pilipinas, wala pang na-impeach na opisyal ang nagtangkang ipahinto ang proseso sa pamamagitan ng Korte Suprema.
Si Chief Justice Renato Corona (2012) – Hinarap niya ang paglilitis sa Senado at kalaunan ay napatunayang nagkasala. Hindi siya humiling na ipahinto ang proseso bago ito magsimula.
Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno (2018) – Bagama’t kinuwestiyon niya ang proseso, hindi siya humingi sa korte na ipahinto ang impeachment laban sa kanya.
Si Ombudsman Merceditas Gutierrez (2011) – Mas pinili niyang magbitiw sa puwesto kaysa harapin ang paglilitis, ngunit hindi rin niya sinubukang harangin ito sa pamamagitan ng hudikatura.
Ayon kay Bongalon, malinaw ang estratehiya ng Pangalawang Pangulo ito ay pigilan ang proseso bago pa ito magsimula, sa halip na harapin ito sa Senado at sagutin ang mga paratang laban sa kanya.
Ipinaliwanag rin ng kongresista mula sa Bicol na ang impeachment ay hindi isang judicial process kundi isang mekanismo ng political accountability na ipinagkatiwala lamang sa Kongreso. Paulit-ulit nang nagpasiya ang Korte Suprema na ang impeachment ay hindi saklaw ng judicial review, kaya’t hindi lamang desperado ang hakbang ni Duterte kundi mahina rin sa legal na pundasyon.
Nagbabala din ni Bongalon na kung pagbibigyan ng Korte Suprema ang petisyon ni Duterte, maaaring magbukas ito ng hindi magandang halimbawa kung saan ang mga susunod na na-impeach na opisyal ay maaaring lumaktaw sa Kongreso at gumamit ng hudikatura bilang panangga laban sa pananagutan.
Muling iginiit ni Bongalon na ang impeachment ay isang mekanismong itinakda sa Konstitusyon upang matiyak na walang opisyal ng gobyerno ang nakahihigit sa batas. Ang pagpayag sa panghihimasok ng hudikatura ay sisira sa separation of powers at magpapahina sa mga demokratikong institusyon.
Hinimok ng House prosecutor si Duterte na harapin ang proseso sa halip na gumamit ng mga technical strategy para harangin ang paglilitis.