Naghain ng petisyon ang koalisyong Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) sa Commission on Elections ngayong Biyernes na humihiling para i-diskwalipika ang ilang kilalang political aspirants sa 2025 midterm elections.
Kabilang dito sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, House Speaker Martin Romualdez, Senator Cynthia Villar, Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc, at Catanduanes Vice Governor Peter Cua.
Ang mga petitioner naman ay sina Bishop Gerardo Alminanza at iba pa na umaasang mabigyan sila ng pagkakataon na maiharap ang kanilang petisyon at mga argumento sa Commission En Banc.
Sa kanilang petisyon, ipinunto ng grupo ang ground o basehan nila sa paghahain ng disqualification complaint na may kinalaman sa 3 anti-dynasty provisions na nakasaad sa Saligang Batas.
Ayon kay Atty. Alex Lacson ang con-convenor ng koalisyon na mayroon silang matibay na basehan sa kanilang petisyon. Kinuwestiyon din niya ang kasaayan ng political clans na nagpapalitan ng mga posisyon sa oras na matapos na ang kanilang termino.
Umaasa naman si ANIM lead convenor Bobby Yap na kung sakali man na paboran ang kanilang argumento, magbibigay aniya ito ng malaking epekto at pagbabago sa sitwasyon ng pulitika sa ating bansa.
Una na ngang naghain si PRRD ng kaniyang COC para muling tumakbo bilang alkalde ng Davao city. Si House Speaker Romualdez naman ay muling tatakbo bilang kongresista ng unang distrito ng Leyte. Ang anak naman ni Sen. Imee marcos na si Ilocos Norte Gov. Manotoc ay tatakbo bilang Vice Governor ng lalawigan. Samantala, si Catanduanes Vice Governor Peter Cua naman ay nagpasyang tumakbo bilang Mayor ng Virac, Catanduanes para sa 2025 midterm elections.