-- Advertisements --

Posibleng mailabas ngayon taon ang resulta ng isasagawang pagtalakay sa petisyon na humihiling na ikansela ang certificate of candidacy (CoC) ni dating Sen. Bongbong Marcos na tumatakbong pangulo ng bansa sa 2022 national at local elections.

Pero aminado si Commission on Elections (Comelec)-Education and Information Department Director Elaiza Sabile-David na kailangan nila ng sapat na oras para talakayin ang mga petisyon na inihain laban sa dating senador.

Gayunman, kahit hindi ito nagbigay ng timeline, posible naman daw lumabas ang desisyon ng Comelec sa taon na ito.

Una rito, itinakda na ng Comelec ang preliminary conference sa petisyong makansela ang CoC ni Marcos sa Nobyembre 26.

Ayon kay David, sa susunod na linggo ay magkakaroon na ng inisyal na diskusyon kaugnay ng naturang isyu.

Aniya noong nag-isyu raw ng summon ang Comelec ay kasali na rito ang preliminary conference.

Ang magkabilang partido raw o ang mga complainant at respondent ay aatasan nang magsumite ng kani-kanilang momoranda.

Kapag wala na raw mga katanungan sa kaso, magiging submitted for resolution na ang kaso.

Kung maalala, ngayong buwan lamang nang naghain ang ilang grupo at indibidwal ng petisyon para ikansela ang CoC ng presidential aspirant.

Pero ayon sa abogado ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez, sasagutin daw nila ang tinawag na predictable nuisance petition sa tamang oras at forum.