Naghain si dating Caloocan Rep. Edgar Erice ngayong araw ng petition for certiorari para sa temporary restraining order laban sa kontratang pinasok ng Commission on Elections sa South Korean firm na Miru Systems para sa 2025 midterm elections.
Paliwanag ng dating mambabatas mayroon umanong mga iregularidad sa procurement process at binigyang diin na posibleng gumamit ang Miru ng prototype machines na paglabag aniya ng automated elections law.
Tinawag din ni Erice ito na isang “robbery in progress”.
Ginawa ng dating mambabatas ang naturang hakbang matapos na magpasya ang Korte Suprema nitong Miyerkules na nakagawa ang Comelec ng grave abuse of discretion nang idiskwalipika nito ang matagal ng poll service provider ng bansa na Smartmatic mula sa bidding sa mga halalan sa hinaharap.
Subalit hindi pinawalang bisa ng SC ang kontrata ng Comelec sa Miru para sa midterm elections sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Erice na ang naging desisyon ng Korte Suprema kahapon ay nagkataon lang dahil inihanda nila ang naturang petisyon 2 o 3 linggo na ang nakakalipas.
Samantala, sinabi din ni Erice na nakatakda siyang maghain ng impeachment complaint laban sa ilang opisyal ng Comelec kaugnay sa kontrata nito sa Miru.