-- Advertisements --

Inihain sa Korte Suprema ang isang petisyon para sa paglilinaw sa impeachment process.

Ito ay sa gitna ng nakabinbing impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Hinimok ng petitioner na si Barry Tayam, isang senior high school teacher, ang SC na tugunan ang partikular na mga constitutional questions at concerns kaugnay sa mga aksiyon ng sangay ng gobyerno na ehekutibo at lehislatura kaugnay sa impeachment ni VP Sara.

Aniya, nais niyang malaman kung ano ba ang ibig sabihin ng “forthwith” dahil magkakaiba ang interpretasyon umano dito ni Senate President Chiz Escudero at ng ibang legal expert.

Tinutukoy ni Tayam ang Section 3(4) ng Article XI na nagsasaad na dapat mag-proceed “forthwith” ang Senado sa oras na maisumite ng nasa one-third ng House members ang Articles of Impeachment.

Subalit una ng sinabi ni SP Escudero na maaari lamang mag-convene ang Senado bilang impeachment court kapag nagbalik sesyon na ang Kongreso pagkatapos ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo. Kamakailan lang din, naglabas ng inisyal na timetable si Escudero kung saan posibleng simulan ang trial sa Hulyo 30.

Kaugnay nito, sinabi ng petitioner na kaniyang hiniling sa korte na tukuyin kung ito ba ay constitutional pa din o kung may pagkaantala sa impeachment process.

Tinanong din nito sa korte kung may paglabag sa mga karapatan ng Bise Presidente.

Samantala, nilinaw naman ni Tayam na walang halong pulitika ang paghahain niya ng petisyon sa SC at walang nagsabi sa kaniya para gawin ito kundi concern lamang umano siya.