Hindi pinagbigyan ng Supreme Court (SC) ang petisyon na kumukuwestiyon sa Commission on Elections (Comelec) sa pag-apruba nito sa isinumiteng mga dokumento ni Sen. Aquilino Koko Pimentel III patungkol sa listahan ng kanilang mga signatories sa Partido Demokratiko.
Sinabi ng Korte Suprema na nabigo ang petitioner na si Rogelio Garcia, National President ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan na patunayang nagkaroon ng grave abuse of discretion o pagmamalabis sa kapangyarihan ang Comelec nang ideklara nitong lehitimo ang Sworn Information Update Statement (SIUS) ng senador.
Maging ang listahan ng mga otorisadong signatories nitong inihain sa Comelec ni Sen. Koko Pimentel noong November 28, 2018 para sa May 13, 2019 national at local elections.
Paliwanag ng SC, tama ang naging aksiyon ng Comelec nang aprubahan nito ang mga dokumentong isinumite ni Pimentel dahil wala rin namang direktang kumukuwestiyon noon sa legitimacy ng grupo nito at sa pagiging opisyal ni Pimentel ng PDP-Laban.
Dahil dito, patuloy lamang na kinikilala ng Komisyon ang mga opisyal ng PDP-Laban bilang mga lehitimong opisyal nito na otorisado o may karapatan na umaksyon sa panig ng PDP-Laban.
Ibinasura din ng SC ang hirit ng petitioner na Temporary Restraining Order (TRO) at Preliminary Injunction laban sa PDP-Laban.
Sa record ng Comelec, June 2016 pa ipinapakita na sa mga dokumento ng PDP-Laban na si Pimentel ang tumatayong president at chairman emeritus ng partido.
Pero July noong 2017 nang nagsagawa ng national assembly ang mga miyembeo nito at pinatalsik si Pimintel sa lineup ng partido at inihalal si Garcia bilang bagong lider ng partido.
Pero bumuwelta naman ang senador at sinabing hindi otorisado ng partido ang nasabing meeting at hindi ito opisyal na meeting na ipinatawag mismo ng PDP-Laban.