TUGUEGARAO CITY – Nakatakda nang ihain ng mga empleyado ng National Food Authority (NFA) sa darating na April 28 sa Supreme Court (SC) ang petisyon na kumukwestyon sa Rice Tarrification Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cathy Estabillio ng grupong Bantay Bigas at co-petitioner sa reklamo, na pangunahin nilang tinututulan ang isasagawang restructuring ng ahensya at pag-alis sa ilang pangunahing tungkulin ng NFA.
Aabot aniya kasi sa 500 hanggang 5,000 empleyado ng NFA ang inaasahang mawawalan ng trabaho dahil sa naturang batas.
Dagdag pa ni Estabillio na higit na maaapektuhan ng mga polisiya sa pag-aangkat ng bigas ng pamahalaan ang mga magsasaka at mamimili na maaaring samantalahin ng mga exporter at trader ng bigas.
Bukod sa SC, idudulog din ng grupo ang kanilang hinaing sa Kongreso.
Nabatid na ang Implementing Rules and Regulations ng Rice Tariffication Law ay nilagdaan ng National Economic and Development Authority, Department of Budget and Management, at Department of Agriculture.