Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) ang dismissal sa petisyon ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na kumukuwestiyon sa pagka-delay nitong palabasin sa bilangguan.
Maalalang naharang ang pagpapalaya kay Sanchez dahil sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sa isang resolusyon, ibinasura ng court en banc ang petisyon ng dating alkalde dahil sa kabiguang magbayad ng required docket fees na nasa ilalim ng Section 3, Rule 46 na may kaugnanyan sa Section 2, Rule 56 ng Revised Rules of Civil Procedure.
Maliban dito, bigo rin umano si Sanchez na mag-comply ng proof of service at walang sapat na basehan ang naturang petisyon at hindi rin nagsumite ng required number ng kopya ng petisyon.
Una rito, nakatakda na sanang mapalaya si Sanchez matapos mapasaman ang pangalan sa mga makikinabang sa GCTA sa ilalim ng Republic Act (RA) 10592.
Pero dahil sa mga lumabas na kontrobersiya rito ay napigilan ang nakatakda nitong paglaya.
Si Sanchez ang itinuturong mastermind sa pag-rape-patay sa estudyanteng si Eileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez noong 1993.