Isinumite ngayong araw ng ilang grupo at samahan ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang petisyon sa Korte Suprema kontra sa inilabas na memorandum circular ng Civil Service Commission.
Kung saan inihain ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees, samahan ng mga manggagawa sa gobyerno at kasama pang grupo ang Petition for Certiorari and Prohibition.
Nakapaloob rito ang kanilang kahilingan na agarang maglabas ang kataas-taasang hukuman ng Temporary Restraining Order upang ipatigil ang pagpapatupad partikular ng Civil Service Commission Memorandum Circular No. 03, Series of 2025.
Naniniwala kasi ang kanilang panig na mayroong karapatan ang mga government employees na ihayag ang kanilang pagsuporta sa mga usaping pampolitikal.
Paliwanag ng isa sa kasama ng mga naghain ng petisyon na si Atty. Neri Colmenares, dapat kilalanin ang rights to freedom of expression ng mga empleyado dahil ito umano ang nakasaad base sa konstitusyon ng bansa.
“Ang tingin namin ang government employees may right to freedom of expression. Kung tingin niya’y yung kandidatong yan ay deserving na mamuno sa bansa natin, as a citizen may karapatan siya na mag-express niyan,” ani Atty. Neri Colmenares (Human Rights Lawyer).
Dahil dito, mariing kinundena ng mga nagsumite ng petisyon sa kataas-taasang hukuman ang naturang pagpapatupad ng memorandum circular.
Layon kasi sa Civil Service Commission Memorandum Circular No. 03, Series of 2025 ang hindi pagpapahintulot sa mga government employees na mag-like, share o comment ng anumang political content sa social media.
Kaya naman mariin pang panawagan ni Santiago Dasmarinas, presidente ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees na mapakinggan ang kanilang hinaing at agarang ilabas ng Korte Suprema ang kahilingan nilang temporary restraining order.
“Panawagan namin sa kagalang-galang na pinakamataas na hukom ng gobyerno ang supreme court na dahil nga po magkaka-eleksyon na po sa May 12 na ilang araw nalang, kinakailangan na mag-isyu na kaagad ng Temporary Restraining Order o TRO ang Supreme Court,” ani Santiago Dasmarinas, presidente ng Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE).