-- Advertisements --
sytin case

Nakatakdang umapela ang negosyanteng si Dennis Sytin sa Department of Justice (DoJ) para hilinging baliktarin ang resolusyon ng kagawaran na naging basehan para sampahan siya ng kaso sa korte matapos iturong utak sa pagpatay sa kanyang nakatatandang kapatid na si Dominic Sytin.

Ayon sa nakababatang Sytin, agad siyang maghahain ng petition for review sa opisina ni Justice Sec. Menardo Guevarra para baliktarin ang resolusyon ng DoJ.

Aniya, mali at wala umanong basehan ang resolusyon na inilabas ng DoJ kaya naman kampante itong mababaliktad ang resolusyon ng Justice department.

Kahapon ay naglabas na ng warrant of arrest ang Olongapo City Regional Trial Court (RTC) laban kay Dennis Sytin matapos makaladkad ang pangalan sa pagkamatay ng sarili niyang kapatid.

Una rito, sa 56-pahinang resolusyon na pirmado nina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Naverra at ng tatlo pang miyembro ng panel sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder sa Olongapo RTC si Dennis kabilang na sina Ryan Rementilla alyas Oliver Fuentes na nagpakilala sa gunman sa itinuturong mastermind at ang self-confessed gunman na Edgardo Luib.

Kinasuhan din ng frustrated murder sa Olongapo RTC ang tatlo dahil naman sa bigong pagpatay sa bodyguard ni Dominic na si Efren Espartero.

Ang biktimang si Dominic Sytin ay founder at CEO ng United Auctioneers Inc.

Binaril-patay ang biktima sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone.