Muli na namang hiniling sa Supreme Court (SC) ng mga petitioners ng kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 na maglabas ang kataas-taasang hukuman ng temporary restraining order (TRO) para maipatigil muna ang pagpapatupad sa naturang batas na epektibo noon pang Huloy 18, 2020.
Ito ang hirit ni Rep. Edcel Lagman na counsel ng ilang petitioners sa ikatlong araw ng oral argument sa SC na nagsimula noong Pebrero 2.
Inatasan naman ni Chief Justice Diosdado Peralta si Lagman na ilagay na lamang niya ito sa kanyang manifestation at magbigay ng kopya sa Office of the Solicitor General (OSG) na siya namang magbibigay ng komento.
Hiniling ni Lagman na bigyan ito ng 48 oras para maghain ng kanyang pleading pero hiniling namang bigyan ng karagdagang oras dahil posibleng sumali rin ang iba pang mga petitioners dito.
Binigyan naman ng Korte Suprema ang OSG ng 10 araw para magkomento at agad namang pumayag si Solicitor General Jose C. Calida.
Kapag naihain na ang komento ay dito na hihimayin ng SC ang TRO.
Una rito, lahat ng 37 petitioners ang humirit na mag-isyu ang Korte Suprema ng TRO.
Noong Pebrero 2, inanunsiyo ni Peralta na pag-uusapan nila ang TRO kapag natapos na ang oral arguments.
Samantala, bago ang interperlasyon sa oral argument kanina ay mayroon namang oral manifestation ang Law professor na si Atty. Alfredo Molo III, counsel ng mga petitioners.
Kaugnay pa rin ito ng naging statement ni Solicitor General (SolGen) Jose Calida kaugnay ng pagbasura sa petition for intervention ng dalawang Aeta.
Sinabi ni Molo na ang statement ni Calida ay inaccurate at overbroad.
Ipagpapatuloy ang oral argument sa Pebrero 23, dakong alas-2:00 ng hapon.