LEGAZPI CITY – Mataas ang kumpiyansa ng mga petitioners na kakatigan ng Supreme Court (SC) ang pagkontra sa pagbabawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pumasok ang mga provincial buses sa EDSA.
Napag-alaman na naglabas ng desisyon ang korte na pinapakomento ang MMDA sa mga petisyon na inihain ng ilang kongresista mula sa Bicol at Bayan Muna Party-list.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., muli nitong iginiit na unconstitutional ang ban, iligal at hindi makataong polisiya.
Ayon kay Garbin, 10 araw ang inilaan sa MMDA sa pagsagot sa mga petisyon kung saan isusunod na ang full-blown trial, oral argument at pagpresenta ng opinyon ng magkabilang panig kung bakit hindi o dapat ituloy ang ban.
Tinitingnan ni Garbin na mahihirapan ang MMDA sa pagdepensa ng argumento lalo na’t sa una pa lamang ay aminadong wala nang legal na basehan sa hakbang.
Paliwanag pa ng kongresista na ang lokal na gobyerno at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) lamang ang may karapatan sa revocation ng prangkisa na ini-imply ng pagbabawal sa pagpasok ng mga povincial bus.
Samantala, pinuna ni Garbin ang pagpapaikli ng ruta ng mga provincial bus ng mismong LTFRB na isa aniya sa mga posibleng maging komplikasyon.