Inaasahang mapag-uusapan na ngayong linggo ng Department of Education (DepEd) kung gaano ang magiging haba ng bakasyon ng mga mag-aaral, maging ang petsa ng pagbubukas ng susunod na school year.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio na ngayong linggo ay inaasahang magkakaroon ng pulong ang executive committee at management committee ng kagawaran na pangungunahan ni Sec. Leonor Briones.
“Kasama po [ito] sa gusto na naming pag-usapan para maipaliwanag at
mapag-aralan na nang husto kung ano ang pinakaangkop na bakasyon at kung kailan dapat sabihin namin na magbubukas ang pasukan sa 2021-2022,” wika ni San Antonio.
Pero sa ngayon, inilahad ni San Antonio na wala pang petsa na napag-uusapan ang ahensya.
Una rito, binawi ng DepEd ang naunang panukala na paigsiin at gawing dalawang linggo na lamang ang bakasyon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan.
Sa isang mensahe, sinabi ni San Antonio na dahil tutol sa mungkahi ang kanilang mga stakeholders, hindi na raw nila imumungkahi ang dalawang linggong break.
In-adjust din ng kagawaran ang kasalukuyang school calendar upang tugunan ang learning gaps sa mga bata ung saan inurong nila ang huling araw ng klase sa Hulyo 10 mula sa orihinal na Hunyo 11.