Maaari pa ring magpatupad ng 70-30 hybrid work arrangement mga locator ng economic zones na nakarehistro sa ilalim ng Philippine Economic Zone Authority.
Sinabi ni PEZA Director-General Charito Plaza na lahat ng kumpanyang nakarehistro sa ilalim ng PEZA, sangkot man sa business process outsourcing o hindi, ay maaaring payagan ang 30 porsiyento ng kanilang mga manggagawa na magpatuloy sa “working from home”.
Ito, matapos tanggihan ng Fiscal Incentives Board (FIRB), ang kahilingan ng IT-Business Process Management (IT-BPM), na kinabibilangan ng mga BPO, na palawigin ang remote work arrangement na ipinatupad sa panahon ng pandemya.
Ayon sa FIRB, ang mga manggagawa sa IT-BPM ay dapat bumalik sa site pagdating ng Abril 1, Biyernes.
Ngunit sinabi ni Plaza na ang PEZA ay iba sa mga domestic enterprise na maaaring bumalik sa site ng 100 porsyento.
Dagdag pa ni Plaza na dapat tugunan ng bagong administrasyon ang diyalogo sa hybrid working arrangement.
Nauna nang sinabi ng mga BPO na ang pagiging produktibo ng mga manggagawa ay hindi apektado sa remote work arrangements.
Isinusulong din ng mga organisasyon tulad ng IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP) ang hybrid policy para mapanatili ang competitiveness ng bansa.